
PHOTO: Facebook/Philippine Eagle Foundation
ISANG malungkot na balita ang ibinandera ng Philippine Eagle Foundation (PEF) nitong Huwebes, April 17.
Pumanaw na kasi ang tatlong-buwang gulang na agila na si Riley dahil sa sakit sa buto o tinatawag na “metabolic bone disease.”
Ayon sa PEF, napansin nilang may iniindang pananakit si Riley kamakailan lang matapos bumagsak ang kanyang kanang pakpak.
Nang isailalim sa X-ray, lumabas na may bali ito sa wing joint na posibleng dulot ng mahinang buto –isang senyales ng seryosong kondisyon.
Baka Bet Mo: Donnalyn Bartolome tinalakan ng madlang pipol, binansagang ‘Queen of Toxic Positivity’
Sinabi rin ng nasabing foundation na binigyan nila ito ng tamang gamutan, ngunit lumala pa rin ang kalagayan ng agila.
Nagkaroon daw ito ng pamamaga at nahirapan na rin sa paghinga hanggang sa tuluyan na itong binawian ng buhay nitong Martes, April 15.
“A necropsy supported the findings of metabolic bone disease and a possible infection, indicating a compromised immune system,” sey ng PEF.
Dahil sa insidenteng ito, mas paiigtingin ng PEF ang kanilang mga programa sa kalusugan para sa mga agila: “To protect the species and ensure a better future for the Philippine eagle.”
Para sa mga hindi aware, makasaysayan si Riley dahil siya ang kauna-unahang Philippine eaglet na napisa nang natural at walang tulong mula sa tao o unassisted natural hatching.
Sa ngayon, tinatayang nasa 400 na pares na lang ng Philippine eagle ang natitira sa wild, ayon sa International Union for Conservation of Nature.