
Leandro Baldemor at Venus Baldemor
INSPIRING ang health and fitness journey ng seasoned actor na si Leandro Baldemor at ng kanyang wifey na si Venus Baldemor.
Nagdesisyong magpapayat ang dating sexy actor matapos makatanggap ng “memo” para sa bago niyang teleserye sa GMA 7, ang “Hating Kapatid“.
Pagbibidahan ito ng celebrity couple na sina Zoren Legaspi at Carmina Villarroel kasama ang kambal nilang anak na sina Mavy at Cassy.
Ayon kay Leandro, sa halip na ma-offend at ma-discourage, natuwa pa siya sa “memo” na nagre-request nga na magpapayat siya para sa role na gagampanan niya sa “Hating Kapatid.”
“Natutuwa naman ako at concerned sila sa akin. Kasi siyempre, kung hindi ako magpapapayat, hindi na ako magkakaserye.
“Kaya talagang ginagawa ko ngayon lahat para pumayat. Ito naman, almost 10 lbs na ang nabawas sa akin,” masayang pagbabahagi ng aktor nang dalawin namin sa bahay nila sa Paete, Laguna kamakailan.
Ayon kay Leandro, bukod sa kailangan sa bago niyang serye, nagpapaka-healthy na siya ngayon para humaba pa ang kanyang buhay upang makasama pa nang matagal ang kanyang pamilya
“Kasi napakabilis ng panahon! Kapag itong edad natin, 50 na ‘ko, isipin mo, ‘di ba? So napakabilis ng panahon, hindi mo masasabi na… e, huwag naman!” sabay “knock on wood”.
“Kasi, ‘yung mga bata ngayon, hindi ko masabing bata pa rin ako, pero iilang taon na ang ii-stay mo rito? I-enjoy mo na, ‘di ba?
“Sabi ko nga sa asawa kong si Venus, ‘pag may mga tampuhan tayo, may ano, naku! Ipagpaliban na lang natin!’ Kasi, alam kong ano lang agad tayo. Halimbawa ako, galit, o ikaw, galit. Iano na lang natin, ayusin na lang kaagad.
“Sayang, e. Oras, maghapon ka galit. Dalawang araw, tatlong araw. Sayang! Mag-loving-loving na lang tayo!” natawa pa niyang chika.
Aside from his diet, halos araw-araw din silang tumatakbong mag-asawa sa bundok every morning.
“‘Yung routine ng pag-e-exercise namin ni Ve, saka ‘yung pagda-diet namin. E, hindi na rin siguro titingnan ‘yung para mag-showbiz-showbiz o ano. Kasama na rin.
“Pero ang gusto namin, mabuhay kami nang matagal! Ha-hahaha! Kasi may pinag-aaral pa kami. Ayaw naming magkasakit. May bata pa akong 15 years old. So mahaba-habang labanan pa. May college pa tayo.
“Iisa pa ‘yung napapa-graduate ko. ‘Yung isa naman, bago pa lang sasampa ng college. So dapat paghandaan ko ‘yung ganu’ng mga panahon.
“Actually ang pera, kikitain naman ‘yan. Pero ‘pag ‘yung health mo ang nagkaroon ng diperensya, e, maraming mawawala. Hindi ka na makakapaghanap-buhay nang maayos. Hindi ka na makakadiskarte na kailangan mong gawin.
“Alam mo naman tayo, punung-puno tayo ng diskarte sa buhay, e. Para huwag tayong magutom,” lahad pa ng aktor sa BANDERA kasama ang ilang opisyal ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na siyang nasa likod ng The EDDYS Awards.
“Paggising lakad ako sa bundok. Actually, bundok namin dito, nalalakaran talaga. Kasi sementado ‘yan. Lakad kami, siguro mga isang oras na walking pataas, tapos pababa,” dagdag pang kuwento ni Leandro na siya uling gumagawa ngayon ng trophy para sa 8th The EDDYS ng SPEEd.
Pagbabahagi pa ng aktor tungkol sa kanyang diet, “Sa food naman, hindi na ako nag-aasukal. Hindi na ako nagkakanin. Tapos isang beses lang ako kumakain sa isang araw talaga.”
“Tapos nagtitimpla ako ng basil, ‘yung pesto. Kasi masarap ‘yun, pampatanggal ng umay, ng gutom,” sey ni Leandro.