Buboy Villar patagong sumali sa singing contest; wagi ng bigas, de lata

Buboy Villar
BATA pa lang ay natutunan na ng Kapuso comedian at TV host na si Buboy Villar ang maging mapag-aruga at mapagbigay sa pamilya.
Inalala ni Buboy ang isang hindi niya malilimutang experience noong bata pa siya kung saan sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng kasiyahan dahil sa naibigay niyang pasalubong sa kanyang nanay.
Kuwento ng komedyante, nag-join daw siya noon sa isang singing contest suot ang nangingintab na costume ng kaniyang ina na walang kaalam-alam sa ginawa niya.
Sa vodcast nila ni Tuesday Vargas na “Your Honor,” nabanggit ni Buboy na palagi niyang pinanonood ang kanyang nanay kapag sumasali ito sa mga singing contest sa mga barangay.
Hanggang isang araw ay bigla na lamang niyang naisipan na tumakas sa bahay nila para sumali rin sa singing contest bitbit ang isa sa mga costume ni mudrabels
“One time, lumabas ako sa bahay namin, dala-dala ko ‘yung costume ng nanay ko. ‘Pag merong mga singing contest, siyempre, ‘yung mga sparkle sparkle, dala-dala ko ‘yun, ‘di ko nga alam kung paano sinusuot ‘yun,” pagbabalik-tanaw ni Buboy.
View this post on Instagram
Pero nang dumating daw siya sa venue ng contest, nalaman niya na para lamang pala ito sa matatanda kaya siya lang ang nag-iisang contestant na bata.
“Sumali ako sa isang singing contest, puro matatanda ‘yung kasali, walang bata. Tapos, ‘yung isang judge, siguro naawa na lang sa akin, Sige, ikaw mag-intro.’ Pinakanta nila ako, binigyan nila ako ng bigas, de lata,” natatawang chika ni Buboy.
Isang kapitbahay daw nila ang nakapanood sa pagsali niya sa naturang singing contest na nagsumbong sa nanay niya. Ngunit sa halip na magalit, ang ina pa raw ang nag-push kay Buboy na ipagpatuloy ang kanyang nasimulang “career.”
“So, pag-uwi ko, may dala na akong bigas tsaka de lata. ‘Ma, meron akong dala. Sumali ako sa singing contest.’ Sinabi ng nanay ko, ‘Ano, gusto mo ba maging katulad ng mama mo, maging singer din?’
“So, ‘yun, nagtuluy-tuloy. Hindi na nawala hanggang ngayon. Kung hindi nangyari ‘yun, wala akong talentong ganito ngayon,” sabi pa ng komedyante.
“Actually, natuwa lang ako na nakapagbigay ako ng bigas tsaka de lata doon sa nanay ko.
“Hindi ko na naisip ‘yung talent eh, kumbaga bonus ‘yun sa akin. Pinaka nasa isip ko lang noon, ‘Wow, ito pala ‘yung pakiramdam na makapagbigay sa pamilya,’” pagbabahagi pa ni Buboy Villar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.