Jojo Mendrez pak na pak ang ‘Libre Na ‘To’ serye, keribels maging TV show

Jojo Mendrez
PAK na pak ngayon ang bagong paandar at pasabog ni Jojo Mendrez para sa mga kababayan natin sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Ang tinutukoy namin ay ang viral na ngayong “Libre Na To” ng kontrobersyal na Revival King na inaabangan na ngayon ng kanyang mga supporters.
Batay sa napanood naming mga video sa social media, namimigay ang Team Jojo ng cash sa masusuwerteng kababayan natin sa mga dinadalaw nilang mga lugar.
Bukod dito, kapag nasaktuhan niya ang mga lucky winner na mapipili nila sa paglilibot sa iba’t ibang lugar habang lumalafang o nagsa-shopping ay siya na ang magbabayad, kasabay ng pagsigaw ng “Libre Na ‘To!”
Ito’y maaaring mangyari sa mga restaurant, grocery, department store, fast food, palengke, sinehan at iba pang mga pampublikong lugar.
Sa paraang ito, mas bukal daw sa loob niya ang pagtulong kumpara sa ibang personalidad na palaging nagagalit ay nanunumbat sa ibinibigay na tulong sa kanilang kapwa.
Ilang netizens pa nga ang nagbanggit kay Willie Revillame na may mga pagkakataon daw na nagagalit sa kanyang programa at tila ipinangangalandakan ang kanyang pagtulong.
May mga nagkokomento pa na puwedeng-pwede raw gawing TV show ni Jojo ang kanyang latest paandar na public service dahil patok na patok na nga ito sa mga Pinoy ngayon.
Sabi naman ng Star Music recording artist, pinag-iisipan na nila ng kanyang team ang posibleng pagsabak niya sa telebisyon with “Libre Na ‘To!”
Samantala, kahit abala sa kanyang pagkakawanggawa ay abala pa rin si Jojo sa pagpo-promote ng kanta niyang “Nandito Lang Ako” na halos nasa 20 million na ang views sa kanyang mga social media accounts.
Malapit na ring mapakinggan ang version niya ng “I Love You Boy” na unang pinasikat ng OPM artist na si Timmy Cruz.
Bukod dito, ilan pa sa mga nakatakdang i-revive ni Jojo ay ang “Pare, Mahal Mo Raw Ako” ni Michael Pangilinan, at “Tamis Ng Unang Halik” ni Tina Paner.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.