
Freddie Aguilar at Robin Padilla
NANINIWALA ang actor-public servant na si Robin Padilla na karapat-dapat lamang na haranging National Artist ang OPM legend na si Freddie Aguilar.
Sa pamamagitan ng isang senate resolution na inihain ni Sen. Robin kahapon, June 3, isusulong niya ang pagiging National Artist sa larangan ng musika ang pumanaw na singer-songwriter.
Ayon sa Senate Resolution 1364 ng senador at aktor, nakabase raw sa Artikulo XIV Seksyon 15 ng Konstitusyon at Presidential Proclamation 1001 ang ganitong uri ng parangal at pagkilala dahil sa hindi matatawarang naiambag nilang sa bansa.
“Ferdinand Pascual Aguilar, also known as Freddie Aguilar, who was born on Feb. 5, 1953, rose to fame in the late 1970s for his powerful and heartfelt compositions using folk rhythms and kundiman music,” ang bahagi ng resolusyon.
“Given his achievements and contributions, Freddie Aguilar must be considered by the National Commission for Culture and the Arts (NCCA) and the Cultural Center of the Philippines (CCP) for recommendation to the President as one of the country’s national artists,” sabi pa sa opisyal na pahayag ng opisina ni Sen. Robin.
Partikukar na binanggit sa resolusyon ng senador ang pagiging iconic ng classic song na “Anak” ni Ka Freddie na may 27 version mula sa iba’t ibang bansa.
Bukod pa rito, umabot na rin sa 30 milyong kopya ng kanta ang naibenta sa buong mundo.
Pumanaw si Ka Freddie noong May 27 na agad ding inilibing alinsunod sa Islamic rites kaya wala nang burol na naganap.
Bilang isang Muslim, isinagawa ang Islamic burial para kay Ka Freddie o Abdul Fareed (Muslim name ng singer-songwriter) sa Manila Islamic Cemetery.
Ang paglilibing sa isang Muslim sa mismong araw ng kanyang pagpanaw ay base sa Islamic rites na nagtatakda na maihatid siya sa huling hantungan sa loob ng 24 oras bilang respeto.