Mga Sang’gre nagkaiyakan sa Encantadia presscon: Avisala Eshma!

Kelvin Miranda, Faith Da Silva, Angel Guardian, Bianca Umali, Glaiza de Castro, Gabbi Garcia at Sanya Lopez
SA TRAILER pa lang ay very obvious na talagang pinaghadaan at ginastusan ng GMA 7 ang kanilang upcoming fantasy-action series na “Encantadia Chronicles Sang’gre“.
Ilang araw na lang ay mapapanood na ang tinaguriang GMA superserye this year na pinagbibidahan ng mga bagong Sang’gre na sina Bianca Umali (as Terra), Kelvin Miranda (as Adamus), Faith Da Silva (as Flamarra), at Angel Guardian (as Deia).
Rumampa ang apat na bida ng serye sa naganap na grand media launch nitong nagdaang June 8 kasama ang iba pang members ng cast kabilang na ang tatlong past Sang’gre na sina Glaiza de Castro (Pirena), Sanya Lopez (Danaya) at Gabbi Garcia (Alena).
Hindi naiwasan ng tatlong Sang’gre ang maging emosyonal habang nagpapasalamat sa lahat ng sumuporta at patuloy na nagmamahal sa “Encantadia.” Super thankful din sila sa GMA na kasama pa rin sila sa bagong edisyon ng iconic series.
Lahat sila ay napasabi ng “Avisala Eshma” (thank you) sa pagbabalik ng “Encantadia” sa telebisyon.
Agaw-eksena rin ang pagrampa ni Rhian Ramos na siyang magiging major-major kontrabida bilang bagong hara na si Mitena. Naroon din sina Mikee Quintos, Cheska Iñigo at Pinunong Imaw na nagbabalik sa “Sang’gre” mula sa “Encantadia 2016.”
Present din sa presscon ang mga bossing ng GMA kabilang na sina Officer-In-Charge and Vice President for Drama Cheryl Ching-Sy, Assistant Vice President for Drama Ali Nokom-Dedicatoria, Assistant Vice President for Drama Helen Rose S. Sese, at ang magaling na creative team ng “Sang’gre.”
Sabi ni Ms. Cheryl, “Buhay na buhay ang mundong ito dahil sa ating powerhouse cast at sa suporta ng ating partners at sa iba’t ibang department sa GMA.
“At higit sa lahat siyempre sa aming mga tagahanga at aming viewers. Ang Enkantadiks na patuloy naniniwala sa magic ng Encantadia,” aniya pa.
Ang ilan pang cast members na humarap sa press last Sunday ay sina Gabby Eigenmann, Jon Lucas, Luis Hontiveros, Gab Gueco, Kiel Gueco, Manilyn Reynes, Boboy Garrovillo, Shey Reyes, at Vince Maristela.
Mensahe naman ni Bianca Umali sa lahat ng Kapuso viewers, “We cannot emphasize more how much of a journey it is for us to create this project.
“This was two years of our lives at hindi po biro ‘yun. Dalawang taon po iyon na ito ang priority ng mga buhay namin. Dalawang taon po iyon ibinuhos namin ang lahat ng paghahanda namin, ng oras namin just to make everyone proud.
“Finally nandito na kami sa harapan niyo. Nakatayo at naninindigan na we will not disappoint you. Nagawa po namin ang Encantadia Chronicles: Sang’gre na ang Enkantadiks ang nasa puso at isip namin,” sabi pa ng award-winning Kapuso actress.
Magsisimula na ang Kapuso superserye na “Encantadia Chronicles: Sang’gre” sa darating na June 16 sa GMA Prime.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.