‘Only We Know’ nina Dingdong, Charo kinamanghaan ng ilang celebs: ‘Napakaganda!’

Dingdong Dantes, Charo Santos-Concio
TODO papuri ang natanggap nina Ms. Charo Santos-Concio at Dingdong Dantes matapos pagbidahan ang kanilang pelikula na “Only We Know.”
Ilan lamang sa mga napa-wow ay ilang Kapamilya stars, kilalang mga direktor, at entertainment media at bloggers na nakanood na ng advance screening.
Bumuhos ang magagandang salita para sa pelikula, partikular na rito ang nakakaantig na mensahe tungkol sa dalawang taong nagmamahalan kasabay ng magandang pagkalapat ng musika sa bawat eksena, pati na rin ang husay sa pagganap nina Charo at Dingdong para sa una nilang tambalan.
Naging emosyonal nga raw sina Vice Ganda at Eugene Domingo pagkatapos itong mapanood at itinawag itong “beautiful story.”
“Nakakatuwa, masaya, then eventually malungkot na ako. Ang dami kong na-realize and it made me cry,” sey ni Meme Vice.
Hirit naman ni Eugene, “Napakaganda ng pelikula. This film will really stay long in our minds and in our memories because you know the people in this film.”
Pinangunahan naman ni Direk Mae Cruz-Alviar ang papuri ng mga direktor para sa galing ng pagkalatag ng kwentong pampag-ibig at sinabing, “The beauty is in its simplicity.”
Mula naman sa mga editor ng Philippine Star na si Nathalie Tomada ay pinuri nito ang ‘di pangkaraniwan, ngunit matapang na tema ng pelikula at inaasahan niyang tatatak ito sa puso ng mga manonood.
Mula sa entertainment at lifestyle writer ng Philippine Daily Inquirer na si Marinel Cruz sa isang social media post na natuwa siya sa nakakaintrigang relasyon nina Ms. Charo at Dingdong sa pelikula, lalo na at umuusbong daw ang kilig sa pagitan ng dalawa.
Sabi ng LionHeartTV.net, isa itong love letter to healing and second chances at tumagos daw sa mga eksena ang bawat iyak, tawa, at nakakakilig na sulyap ng mga karakter.
Mapapanood ang “Only We Know” mula sa panunulat at direksyon ni Irene Emma Villamor sa mga sinehan sa iba’t ibang parte ng mundo simula sa Pilipinas ngayong Hunyo 11 at sa mga bansang Australia, New Zealand, USA, Canada, Guam, UAE, Singapore, Malaysia, Brunei, Oman, Qatar, Kuwait, Bahrain, Hong Kong, at Macau.
Makakasama rin sina Ms. Charo at Dingdong sa special screenings at meet and greet sa Canada (Hunyo 20 at 21) sa Cineplex Scarborough Town Centre at sa United States (Hunyo 22) sa Cinemark Carson. Magiging available ang tickets sa mytfc.com.
Ang “Only We Know” ay iikot sa espesyal na relasyon sa pagitan nina Betty (Charo) at Ryan (Dingdong), na sa kabila ng kani-kanilang mga poot sa buhay, muling titibok ang kanilang mga puso dahil sa isa’t isa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.