DICT palalakasin ang hotline 1326 kontra scam, fake news
MULING ibabalik at palalakasin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang hotline 1326.
Ito ay para labanan ang online scams, fake news, at iba pang cybercrime sa bansa.
Sa ulat ng INQUIRER, sinabi ni Assistant Secretary Renato Paraiso sa panayam niya with PTV4 na pinalalawak ng DICT ang kakayahan ng nasabing hotline upang mas maraming reklamo ang matugunan sa agarang aksyon.
“Palalakasin natin itong hotline 1326, magkakaroon ho tayo ng mas malakawang response mechanism at feedback mechanism. Iyon ang importante eh,” sey ni Paraiso.
Baka Bet Mo: #SerbisyoBandera: LTO may ‘Aksyon on the Spot’ hotline na, ano ba ‘to?
Ayon pa sa kanya, maraming kababayan ang nahihiyang magsumbong kapag na-scam sila o kaya’y hindi nagtitiwala sa gobyerno.
Pero pinapaalalahanan niya ang publiko na may magagawa ang pamahalaan basta’t mag-report sila.
“May magagawa tayo. Ngayon papatunayan natin iyan, kapag nag-report kayo, kami mismo ang tatawag ulit sa inyo para sabihin ano na ang status ng kaso ninyo, ano na iyong progress ng kaso ninyo, may kailangan pa ba kami sa inyo.
“‘Yun talagang balak natin attribution, apprehension, prosecution, conviction. Hanggang doon ho ang gusto natin gawin,” dagdag ni Paraiso.
Paliwanag niya, ang hotline 1326 ang unang depensa ng publiko laban sa mga scam, phishing, at pekeng posts sa social media.
Bukod sa pagtanggap ng tawag, isinasama na rin ng ahensya ang hotline 1326 sa digital na eGov application at eReport system.
Sa pamamagitan nito, pwede nang magsumbong ang mga tao gamit ang telepono, online forms, o messaging apps—lahat naka-link sa isang central system para sa mabilis na aksyon ng gobyerno.
Layon ng proyekto na gawing madali at accessible ang pagsumbong sa mga scam at fake news saan mang panig ng bansa.
Bukod dito, sinabi rin ni Paraiso na nakikipagtulungan ang DICT sa Presidential Communications Office (PCO) para sa fact-checking at pagpigil sa pagkalat ng maling impormasyon.
“Ito naman ang maganda, iyong partnership ho ng DICT, ni Secretary Henry Aguda at ni [PCO] Secretary Jay Ruiz. Napag-usapan ho namin na ang PCO ho ang mangangasiwa pagdating sa fact-checking,” wika niya.
Paliwanag niya, “The discussion was baka hindi akma or hindi tama na ang gobyerno mismo ang mag-fact-check pero dapat mayroong sistema ng oversight. Kumbaga government will be the fact-checkers of the fact-checker. So, iyon ang pinag-aaralan nating sistema.”
Sa pamamagitan ng partnership na ito, ang PCO ang tutukoy kung alin ang fake news, at saka kikilos ang DICT sa tulong ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center para managot ang may sala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.