Jay Ruiz nanindigang responsibilidad ng Meta na labanan ang fake news

Jay Ruiz
NANINDIGAN si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz na napakahalaga ng Meta, ang parent company ng Facebook at Instagram, sa pagkontrol ng fake news sa social media.
Mas tumindi pa ang problema ng Pilipinas sa patuloy na pagtaas ng bilang ng “disinformation and misleading content online”, kabilang na ang iba’t ibang sangay ng gobyerno.
Kaya naman ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang agarang pagresolba sa suliraning ito, partikular na ang pagkalat ng mga fake news tungkol sa mga kilalang personalidad.
Sa naganap na hearing ng House tri-committee na siyang nag-iimbestiga sa talamak na fake news at online disinformation ngayong araw, June 5, ibinahagi ni Ruiz ang sariling karanasan sa Meta.
Ayon kay Ruiz, na isa sa mga dumalo sa hearing, may kumalat daw na memo sa social media na sinasabing galing daw sa Office of the Executive Secretary. Nang i-report nila ito, hindi raw pumayag ang Meta na i-take down ang naturang content.
Ito’y sa kabila ng pagpapadala nila ng certification mula sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng Department of Information and Communication Technology (DICT) na isa itong fake memo.
“Alam mo sir, hindi nila tinanggal. Ang reason ng mga platforms is that ito is freedom of expression, may community standards kami, ang bawat isang user, siya ang accountable to his or her account,” ayon kay Ruiz.
Dagdag pa niyang paliwanag, “So ano ito? Are we at the mercy of the platforms? Sabi namin hindi kayo dito naka-base, hindi pa kayo nagbabayad ng buwis, and yet you don’t regulate or stop fake news here in the Philippines.”
Binigyang-diin ni Ruiz na ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon ay sumisira sa tiwala ng publiko at maaari ring mabalewala ang pagsisikap ng gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng mga tao.
Ipinunto rin ni Pangulong Bongbong ang kahalagahan ng pagbibigay ng tamang impormasyon upang matiyak na lubos na makikinabang ang publiko sa mga programa ng gobyerno, tulad ng “Benteng Bigas Meron Na” program, na nag-aalok ng P20-per-kilo na bigas bilang bahagi ng pagsisikap ng administrasyon na isulong ang food security at social support.
Binanggit din ni Ruiz na sa Singapore, ang mga online platform ay maaaring mapatawan ng mga parusa ng hanggang 6 na porsyento ng kanilang kita sakaling mapatunayang responsable sila sa pagpapakalat ng pekeng balita, isang diskarte na binibigyang-diin ang matatag na paninindigan ng bansa sa digital accountability.
“May penalties against social media platforms na kapag nagpapalabas ka ng fake news, you will be penalized. Ang tinitira nila ang penalties mataas—6 percent of profit ang ginagawa nila,” ayon sa PCO secretary.
“E paano kung ang tao binabase niya ang decision niya sa mga fake news o kasinungalingan? Isipin mo kung ang mga botante natin boboto base sa impormasyon ng kasinungalingan. Anong klaseng generation, anong klaseng democracy meron tayo?
“Eventually, our people will no longer decide based on informed decisions, but based on lies. We agree that there is a right to information, but that right should be accurate information,” pahayag pa ni Ruiz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.