Imburnal Girl umaming nagbibisyo; cutter blade binili ni Boss Toyo ng P10K

Boss Toyo at Rosemarie Peligrino
NAIBENTA ni viral “Imburnal Girl” na si Rosemarie Peligrino ang pag-aaring cutter blade sa content creator at negosyanteng na si Boss Toyo.
Personal na pinunatahan si Rosemarie si Boss Toyo kasama ang kanyang asawa para ibenta ang cutter blade na siyang dahilan kung bakit siya sumuot sa imburnal matapos itong mahulog doon.
Mapapanood sa vlog ni Boss Toyo na “Pinoy Pawnstar” ang pagpunta sa kanya ni Imburnal Girl kung saan sinabi nga nito na ang ibinebenta niyang cutter blade ang ginagamit niya sa pangangalakal.
Habang kinakausap ni Boss Toyo si Rosemarie ay napansin niyang may mga marka ng hiwa sa pulso nito kaya naman inusisa niya ang tungkol dito kasunod ang tanong kung may mga bisyo siya.
Sagot ng babae, “Nagbibisyo po pero hindi naman ano…hindi naman po araw-araw. Noon pong naghihiwa ako, hindi pa po ako gumagamit.”
Kaya naman pinayuhan siya ni Boss Toyo na magbago na at ituwid na ang kanyang buhay para sa kanyang pamilya at magiging mga anak.
“Magbago ka, pilitin mo. Kailangan magbago ka, sayang yung ibinigay sa yo. Mauubos yun,” ang advice ni Boss Toyo na ang tinutukoy ay ang P80,000 na ibinigay sa kanyang tulong pinansiyal ng DSWD.
Samantala, ang unang alok na presyo ni Boss Toyo kay Rosemarie para sa cutter blade ay P5,000 pero humiling ang viral Imburnal Girl na gawin na itong P10,000. Pumayag naman si Boss Toyo sa hiling ni Rosemarie.
Pinapirmahan din ni Boss Toyo kay Rosemarie ang nabiling cutter blade na ilalagay daw niya sa ipinatatayong museum kasama ng iba pa niyang koleksyon mula sa mga sikat na celebrity.
Samantala, dahil sa pag-amin ni Rosemarie sa kanyang bisyo ay mas lalong dumami ang kumukuwestiyon at nagrerekalmo sa pagbibigay ng DSWD ng P80,000 kay Rosemarie.
Matatandaang personal pang nakipagkita si DSWD Secretary Rex Gatchalian kay Rosemarie para iabot ang P80,000 financial assistance mula sa Pag-abot Program ng DSWD na magagamit nito sa pangarap na sari-sari store.
Dahil dito, kaliwa’t kanang batikos ang natanggap ng DSWD at karamihan sa mga nag-comment na netizens ay nagsabing marami pa raw Pinoy na mas deserving tulungan kesa kay Imburnal Girl.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.