Mikee Morada nagpasalamat sa pagkapanalo bilang vice mayor ng Lipa
Eleksyon 2025 - May 13, 2025 - 01:03 PM

Mikee Morada at Alex Gonzaga
NAGPASALAMAT na ang vice mayor-elect ng Lipa, Batangas na si Ginoong Mikee Morada sa mga nagtiwala sa kanya matapos talunin ang incumbent mayor na si Camille Lopez.
Base sa partial results ng botohan mula sa Commission on Elections (Comelec) ay nakakuha si Mikee ng 114,108 votes habang 58,436 naman si Ms. Camille.
Nang makilala namin nang personal ang hubby ni Alex Gonzaga sa nakaraang Barako Festival 2025 noong Marso ay napansin naming napaka-low profile nito at tila nahihiya pang banggitin na kumakandidato siya bilang ikalawang ama ng Lipa.
Nasambit din noon ni Mikee, na number one councilor ng nasabing lalawigan, na malaki ang pasalamat niya sa mga taga-Lipa dahil ramdam niya ang suporta sa kanya ng mga ito.
At kaya naman gusto niyang masuklian ito kaya kumandidato siya bilang vice mayor at hindi naman siya binigo ng kanyang mga kababayan.
Sa pamamagitan ng Facebook account na ibinahagi ng staff ni Alex na si JC Santos Bagio ang pasasalamat ni Joan De Guzman-Morada.
“MAGALANG po kaming nagpapasalamat sa inyong pagsuporta sa kanyang kandidatura!
“Nais namin ipagmalaki ang bawa’t isang mamamayan ng Lipa, dahilan sa inyong mga naging ambag upang maidaos ang isang makabuluhang halalan na bahagi ng mga mekanismo ng demokrasya at nagbibigay-garantiya sa pantay na karapatan ng bawa’t mamamayan.
“Muli po ay binihisan ninyo ng pambihirang pagtitiwala upang inyong maging lingkod-bayan at sa pagkakataong ito ay upang dalhin ang ating mga adhikain at pamunuan ito para sa terminong 2025-2028.
“Ipinapaabot po ang kanyang taos-puso at magiliw na pasasalamat sa inyong lahat sa inyong paniniwala sa kanyang iniharap na adyendang panglehislasyon.
“Sa bagong yugto pong ito ng kanyang buhay, yayakapin niya ng buong katapatan, kasipagan at buong pagmamalasakit ang nakapataw na tungkuling katawanin siya sa Sangguniang Panlungsod ng Lipa. Walang pag-iimbot na gagampanan ang tungkuling ito at hindi kayo bibiguin – Vice Mayor-Elect Mikee Morada.”
Congratulations Mikee pati na rin sa very proud nitong asawang si Alex Gonzaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.