53 partylist na nagwagi ibinandera na ng Comelec, may 2 suspendido
Eleksyon 2025 - Bandera May 19, 2025 - 05:53 PM
IPINROKLAMA na ng Commission on Elections (Comelec) ang 53 partylist groups na nakakuha ng pinakamaraming boto sa katatapos na midterm elections.
Pero ang bilang sa House of Representatives ay nakadepende pa rin sa magiging final decision ng Comelec.
Ito kasi ay naka-based sa 2009 Supreme Court ruling, pati na rin sa mga desisyon sa disqualification case na hanggang ngayon ay hinihintay pa.
Naganap ang proklamasyon ngayong araw, May 19, at ito ang pinakamabilis mula nang ipatupad ang fully automated elections noong 2010.
Baka Bet Mo: Viral ‘Sexy Babe’ contestant nag-tour sa Comelec: Mag-vote ng wisely!
Sa tala, ang unang pinakamabilis ay noong 2019 na umabot ng siyam na araw matapos ang halalan.
Ang pinakamabagal naman ay noong 2010, kung kailan 21 days ang lumipas bago ang partial proclamation.
Batay sa national certificate of canvass, nanguna ang Akbayan party-list na may 2,779,621 boto o katumbas ng 6.63% ng kabuuang 41,658,790 na boto para sa party-lists.
Muling bumangon ang Akbayan matapos itong mabigong makakuha ng puwesto sa Kongreso noong 2019 at 2022 elections.
Maliban sa sa kanila, ang Duterte Youth (2,338,564 boto o 5.57%) at Tingog (1,822,708 boto o 4.34%) ay inaasahang makakakuha rin ng maximum na tatlong pwesto bawat isa.
Gayunpaman, hindi pa tiyak ang upuan para sa Duterte Youth dahil sa isang pending na kaso na inihain pa noong 2019.
Ayon sa petisyon, dapat daw ay ideklarang walang bisa ang kanilang registration dahil inaprubahan ito ng Comelec en banc nang walang tamang publication at hearing, na labag sa Party-List System Act of 1995 (Republic Act No. 7941).
Samantala, kinumpirma ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na dalawang party-list ang hindi muna isinama sa proklamasyon dahil sa mga kasong isinampa laban sa kanila.
“We have two party-lists who will not be proclaimed, the National Board of Canvassers suspended their proclamation because of their pending cases,” sey ni Garcia sa isang press conference.
Sa kabuuan, aabot sa 50 iba pang party-list ang inaasahang magkakaroon ng pwesto sa ika-20 Kongreso ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.