Aiko, Candy 2 years nagdedmahan, nagkabati nang magkita sa Greenhills

Aiko Melendez at Candy Pangilinan
ALMOST two years hindi nag-usap at nagkita ang magkaibigang Aiko Melendez at Candy Pangilinan matapos silang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.
Binalikan ng dalawang aktres ang naging “away” nila sa pamamagitan ng isang video na mapapanood sa YouTube channel ni Aiko na may titulong “REALTALK WITH CANDY PANGILINAN”.
Kuwento ni Aiko, mga teanager pa lang sila ni Candy nang magsimula ang kanilang friendship sa University of the Philippines Diliman kung saan sila nag-college.
“Si Candy ang unang nag-master initiate sa akin sa UP nu’ng papasok ako. Imagine, ha, tinarayan niya ‘ko. Kasi sa UP Theater Arts siya, siya yung isa sa mga pioneer du’n,” simulang pagbabahagi ni Aiko.
Tandang-tanda pa ng actress-public servant nang lapitan at magtanongsi Aiko kay Candy kung saan ang direksiyon papuntang Theater Arts building pero hindi raw siya nito kinausap.
“Tiningnan niya po ako from head to toe. Niligaw niya po ako sa UP. Tapos hindi ko alam magiging best friend ko pala,” pagbabalik-tanaw ni Aiko.
View this post on Instagram
Kasunod nito, naging malapit na silang magkaibigan at mula nga noon ay palagi na silang nagkakasama sa mga lakaran at ang pagtutulungan nila sa kanilang showbiz career.
Sabi ni Candy, pinakikiusapan siya ni Aiko na tulungan siya sa kanyang pag-aartista, “Dati tagabasa pa ako ng script nito. Totoo.”
Minsan na rin daw ni-request ni Aiko sa isang produksiyon na maging best friend niya sa isang pelikula si Candy kung saan nakasama nila si Christopher de Leon. Ang tinutukoy ni Aiko ay ang “Higit Pa Sa Buhay Ko” na ipinalabas noong 1999.
“Gusto ko ikaw yung best friend kasi tayo talagang inseperable,” ani Aiko.
At tungkol nga sa naging hindi nila pagkakaunawaan ni Candy, “She tried to explain her side, but siguro sa sobrang sakit nung nagawa niya sa akin, I’d rather not hear from her muna because I want to heal.”
Sabi ng aktres, nagsimula raw ang hidwaan nila ni Candy dahil sa pagiging taklesa nito, “Gusto ko sana na matuto, na may matuto rito, na kapag kaibigan mo, kahit nakainom ka o hindi, dapat kaibigan mo yan.
“Hindi ka nagiging very carefree in saying things, tactless. Because ako, kapag naging kaibigan mo ako, ipagtatanggol kita, kahit nakaharap o nakatalikod,” sey pa niya.
Dito na nga napansin ng mga netizens na hindi na nakakasama si Aiko sa mga vlog ni Candy at ng iba pa nilang kaibigan na sina Carmina Villarroel, Gelli de Belen at Janice de Belen.
Ayon naman kay Candy, hindi na niya maalala kung anong naging ugat ng kanilang away, “Ang tagal kong inisip, in-analyze. Iniisip kong mabuti.
“May iniisip akong tao, yung tao na yun na naisip ako, na hanggang ngayon, hindi ko kinakausap. Dahil feeling ko, siya ang nag-ano ng kuwento. Dahil usually siya yung nagiging cause ng maraming ano. Sabi ko, baka siya. Yun lang,” sabi ng komedyana.
Sey ni Aiko, “Almost two years ba tayong hindi nagkita at hindi nag-usap? It comes with maturity, ‘no, na siguro we came to a point na hindi na natin kailangang mag-usap, what went wrong.”
Aksidente raw silang nagkita one time sa Greenhills, sey ni Candy, “Nagpansinan tayo tapos niyakap ka ni Quentin (anak niya). Tapos sabi mo, ‘Uy, usap tayo ha?’ Sabi ko, ‘Sige sige sige.’ Tapos umalis ka kasi may pupuntahan ka pa yata.”
View this post on Instagram
Tanong ni Aiko sa kaibigan, kung tama ba ang naging desisyon nito na magdedmahan sila nang mahabang panahon.
“Ako, sa totoo lang, kung kinonfront kita nu’ng mga panahon na yun, baka hindi tayo umabot sa ganito. Baka mag-away tayo, magsigawan tayo.
“Ano ba dapat? Sa tingin mo ba, tama rin ito na umabot din tayo sa puntong ito na hindi na natin kailangang mag-usap? And then we just trusted na aabot din tayo na magkakaayos tayo?” ani Aiko.
Sagot ni Candy, “Proseso mo yun, e, so hindi ko puwedeng i-judge. Hindi ko puwedeng sabihin na ‘dapat ito ang ginawa mo,’ kasi proseso mo yun, e.
“Yun ang nararamdaman mo. I cannot judge your emotions. I cannot judge how you feel kasi that’s how you feel, e,” aniya pa.
Samantala, kasama raw dapat si Aiko sa pelikulang “Roadtrip” na ipinalabas noong 2024 na pinagbidahan nina Candy, Carmina, Gelli, at Janice. Ito’y idinirek ni Andoy Ranay mula sa panulat ni Candy.
Kuwento ni Aiko na naiiyak na, “Nu’ng kinu-conceptualize natin yung pelikulang yun, dapat kasama ako, di ba? Nu’ng dini-discuss mo yung pelikulang yun, dapat kasama ako.”
Pinanood daw niya ang “Roadtrip” kasama ang partner na si Jay Khonghun, “Sabi ko, ang saya ko para sa best friend ko, kasi natupad niya na yung pangarap niya na magsulat ng script.
“Do you know na ako yung happiest nu’n? So, after nun, pinalabas unang time sa Netflix, sabi ni Jay, ‘Uy, palabas na yung pelikula ng kaibigan mo sa Netflix.’
“Sabi ko, ‘Ah, talaga?’ Pinanood namin together,” sey ng premyadong aktres.
Nag-promise si Candy na gagawa uli siya ng script para makasama si Aiko sa pelikula, “Huwag kang mag-alala, gagawa pa tayo. Kinausap naman kita, tinanong kita, di ba?
“Susulat ako ulit. Susulat ako ulit, huwag kang mag-alala. Dito siguradong kasama ka,” ani Candy.
Ito naman ang pangakong binitiwan ni Aiko para kay Candy., “Siguro itong hindi natin mapagkaintindihan is just one for the books. Siguro it will make our friendship stronger, better.
“And always remember, ito mapapangako ko sa yo, bes. Hindi na ako mawawala. Kasi every step fo the way, nandito na ako. Welcome back to my life!” mensahe pa ni Aiko sa kaibigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.