Julia Montes, Sharon Cuneta pinaiyak ang madlang pipol sa ‘Saving Grace’
TUMAGOS sa puso ng mga manonood ang eksena ng matinding iyakan at komprontasyon nina Sharon Cuneta at Julia Montes sa huling tatlong linggo ng “Saving Grace: The Untold Story – The Last Hope,” kung saan naisiwalat na ang pasabog na rebelasyong sila ay totoong mag-ina.
Tinodo na ng dalawang aktres ang makabag-damdamin nilang mga emosyon sa inaabangang rebelasyon matapos malaman nga ni Anna (Julia) na siya nga ang totoong anak ni Miranda na iniwan sa ampunan noon. Hindi na nga nakapagpigil si Anna sa masakit na katotohanan at isa-isa nitong inilabas ang hinanakit laban kay Miranda (Sharon).
Magtutuloy-tuloy din ang mga pasabog na rebelasyon sa serye dahil malalaman na rin ni Anna na may taning na pala ang buhay ni Miranda.
Bukod dito, hindi lang ang harapan ng magkaribal na sina Helena (Janice de Belen) at Miranda ang matututukan ng mga manonood, kung ‘di pati na rin ang eskandalong komprontasyon sa pagitan nina Anna at Sarah (Jennica Garcia) sa lumalaki nilang hidwaan para protektahan si Grace (Zia Grace).
Baka Bet Mo: Coco Martin, Julia Montes nagbigay pugay, dumalaw kay Nora Aunor
View this post on Instagram
May pag-asa pa bang mapatawad ni Anna si Miranda? Posible pa kayang humupa ang matagal nang hidwaan sa pagitan nina Helena at Miranda?
Tutukan ang huling tatlong linggo ng seryeng “Saving Grace: The Untold Story – The Last Hope,” gabi-gabi ng 9:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWant, at Kapamilya Online Live. Available ang latest episodes nito sa loob ng 21 na araw matapos silang unang ipalabas sa Kapamilya Online Live sa YouTube. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para makanood sa TV5 at A2Z. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
* * *
Nagdaos ng Psychoeducation Seminar kamakailan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para mapaigting ang kaalaman ng mga empleyado ng ahensya tungkol sa mental health awareness.
Parte ito ng inisyatiba ng Board sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na mapangalagaan ang kalusugan sa MTRCB.
Pinangunahan ni Pat Ramirez, isang rehistradong psychometrician, ang talakayan tungkol sa mental health awareness, stress management at mga batayang batas sa Ahensya.
Binigyang-diin ni Sotto-Antonio ang kahalagahan ng malusog na kaisipan. “Ang pangangalaga sa mentalidad ng ating mga empleyado sa MTRCB ay sumasalamin sa paniniwala ng Board na ang serbisyo publiko ay nagsisimula mismo sa atin. Ang mga empleyado ng gobyerno na may malusog na kaisipan ay tiyak na makakapagbigay ng propesyonal na serbisyo sa ating mga stakeholder at sa publiko.”
Ang programa ay mula sa dedikasyon ng Board na mapanatiling malusog ang mga kawani ng MTRCB at ligtas sila sa trabaho para mapaglingkuran nila nang tama ang publiko at maisulong ang responsableng panonood sa Bagong Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.