David Licauco recording artist na, ibinida ang debut single ‘I Think I Love You’

PHOTO: Facebook/David Licauco
MAY dagdag na karera ang Kapuso heartthrob na si David Licauco sa mundo ng showbiz!
Matapos siyang sumikat bilang magaling na aktor sa ilang hit series, katulad ng “Maria Clara at Ibarra,” at “Pulang Araw,” isa na rin siyang recording artist!
Sa katunayan nga ay mayroon na siyang debut single na pinamagatang “I Think I Love You.”
Ang nakakatuwa pa, pumalo agad ito sa number five spot ng Top Songs list ng iTunes Philippines sa mismong araw ng release nito!
Baka Bet Mo: David Licauco hindi pa handang magpakasal kaya nagkahiwalay ng dating dyowa; iniyakan ang ex-GF na taga-ABS-CBN
Ang catchy at upbeat song ni David ay isinulat nina Luke April Isnani at Ivo Impreso na tungkol sa isang taong hindi akalaing unti-unti nang nahuhulog ang loob sa isang tao.
View this post on Instagram
Pero bago pa ito i-release sa publiko, unang narinig ang kanta sa loob ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition,” kung saan pumasok ang aktor bilang house guest.
Inihayag din doon ni David ang kagustuhan niyang sumubok ng iba pang talento bukod pa sa pag-arte.
“I really just wanted to try everything in showbiz and in life. One of those is releasing a song; this is for the people who admire someone but have not yet said what they feel,” sey ni David.
Habang nasa loob ng Bahay ni Kuya, pinangunahan din ni David ang isang task kung saan hinati niya ang mga housemates sa dalawang grupo –ang Team Kapamilya at Team Kapuso, para gumawa ng dance choreography gamit ang kanyang kanta.
Ang naging lider ng Team Kapuso ay si Will Ashley, habang si Esnyr naman ang namuno sa Team Kapamilya.
Sa huli, ang pinili ni David na manalo ay ang Team Kapamilya dahil sa kanilang “synchronized at well-thought-out” na performance.
Samantala sa TikTok, kaliwa’t kanan na rin ang mga fan edits gamit ang “I Think I Love You” bilang background music na karamihan ay tampok ang love team nina David at Barbie Forteza.
Dahil sa mainit na pagtanggap sa kanyang debut single, umaasa si David na masusundan pa ito ng iba pang music releases in the future.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.