Cristy Fermin bilib sa tapang ni Romnick Sarmenta sa pagbengga kay Sen. Chiz

Romnick Sarmenta, Cristy Fermin at Chiz Escudero
SALUDO ang veteran at premyadong entertainment columnist at host na si Cristy Fermin sa tapang at paninindigan ni Romnick Sarmenta.
Ibinandera ni Nanay Cristy sa madlang pipol ang kanyang pagrespeto at pagkabilib sa seasoned actor dahil sa paglalabas nito ng saloobin kaugnay ng usaping-politikal sa Pilipinas.
Sa nakaraang episode ng programa niyang “Cristy Ferminute”, napag-usapan ang ipinost ni Romnick sa X na may konek sa kontrobersyal na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Matapang na tinanong dito ng aktor si Senate President Chiz Escudero kung ano ba talaga ang kanyang tungkulin sa Seando at kung naiintindihan ba talaga niya ang nakasaad sa Constitution ng bansa.
“Nagsisilbi ba siya para sa kapakanan ng tao? O sa mga pinipili niyang unahin at pagsilbihan?
“O iniisip ba niyang mas mataas siya sa sambayanan?” ang post ni Romnick na noon pa ay kilala na sa pagbibigay ng opinyon sa napapanahong mga usapin at isyu sa Pilipinas.
Reaksyon naman ni Nanay Cristy sa naging patutsada ng aktor sa asawa ni Heart Evangelista, “Bilib na bilib ako kay Romnick Sarmenta, e.
“Kasi kung ano ‘yung kanyang saloobin, kung ano ‘yong kaniyang paniniwala, dapat lang naman talaga na ang bawat isa ay naglalabas ng kaniyang opinyon,” chika ni Nanay Cristy.
Dagdag pa ng palabang kolumnista, “Tama o mali, opinyon niya ‘yon. Lahat tayo ay puwedeng mag-opinyon. Libre ’yan.”
Sabi naman ng co-host niyang si Romel Chika, “Korek, ito dapat ang role ng artista. Ito ‘yong nakikiaalam para namumulat ang mga tao.”
Lantarang sinuportahan ni Romnick ang kandidatura ni dating Vice President Leni Robredo sa pagkapangulo at ang running mate nitong si Kiko Pangilinan noong 2022 presidential elections.
Sabi niya noon sa isang Facebook post, “Paano ba pumili ng kandidato? Gusto nyo ba ng barumbado, o kaya eh pilosopo? Maganda nga ba ang pagpili ng taong nasa pamilya ng mga pulitiko?
“Mainam ba ang tumatakbo kapag puro pagpuna sa kalaban ang kayang atupagin nito? O nakapagyayabang ng nagawang serbisyo, na sa simula at dulo, ay bayad naman ng buwis mo… at natural na dapat nilang gawin bilang pagtupad sa mandato?
“Huwag na tayong magsugal at makipagsapalaran, mahirap yung para tayong niloloko. Hindi lang para sa isang araw ito.
“Ilang taon din tayong papasailalim ng kung sino mang mananalo. Sa araw ng halalan, sa gitna ng gulo, sa harap ng tukso,” saad ni Romnick.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.